Opisyal nang nanumpa ang mga senador bilang hukom sa impeachment court para sa kasong kinakaharap ni Vice President Sara Duterte — kabilang ang mga alegasyong paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Pero matapos ang oath-taking kagabi, bumoto ang Senado (18-5) na ibalik muna sa Kamara ang Articles of Impeachment — hindi agad dinismiss, gaya ng mungkahi ng ilang pro-Duterte na senador.
Layunin ng hakbang na ito na malinawan kung nais pa ba ng Kamara na ituloy ang trial habang nasa loob pa ng 19th Congress, na magtatapos sa Hunyo 30.
Tumutol sa motion sina Senators Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, at Sherwin Gatchalian.
Nakasuot ng Oxford crimson robes ang 22 senador nang sila’y manumpa na maglilingkod nang patas sa impeachment proceedings. Nanguna sa panunumpa si Senate President Francis Escudero, na nagsabing hindi na babaguhin ang impeachment rules sa kalagitnaan ng proseso.
Kahit may tutol tulad ni Sen. Ronald Dela Rosa, na kinuwestiyon ang legalidad ng impeachment articles mula sa Kamara, itinuloy pa rin ang pagbuo ng impeachment court.
Abang-abang kung magpapasa pa ng go signal ang Kamara — o kung dito na matatapos ang laban.