Site icon PULSE PH

Senado, Inaprubahan ang 25 Years Franchise Renewal ng Meralco!

Inaprubahan ng Senado ang muling pagpapalawig ng 25-taong prangkisa ng Manila Electric Company (Meralco) sa ikatlo at huling pagbasa kahapon.

Sa botong 18 pabor, 1 tutol, at walang nag-object, inanunsyo ni Senate President Francis Escudero ang pag-apruba sa House Bill 10926, na nagre-renew ng prangkisa ng Meralco na naipasa sa ilalim ng Republic Act No. 9209. Ang kasalukuyang prangkisa ng Meralco ay magtatapos sa 2028.

Dahil sa renewed franchise, magkakaroon ang Meralco ng mandato na magtayo, magpatakbo, at magpanatili ng isang distribution system para sa paghahatid ng kuryente sa mga lungsod at bayan sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at mga partikular na lugar sa Batangas, Laguna, Quezon, at Pampanga. Aabot sa higit pitong milyong Pilipino ang inaasahang makikinabang sa serbisyo ng Meralco.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, sponsor ng panukala, ang hakbang na ito ay hindi lang nagpapalawig ng prangkisa ng Meralco kundi nagpapalakas din ng seguridad ng enerhiya sa bansa at pinoprotektahan ang karapatan ng mga konsyumer.

Samantala, tumutol si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa panukala, na nagsasabing dapat mag-refund muna ang Meralco sa mga konsyumer para sa mga naunang overcharges bago ito mabigyan ng bagong prangkisa.

“Hindi dapat gantimpalaan ang mga misdeeds ng Meralco ng isang bagong legislative franchise. Dapat muna nilang ibalik ang bilyon-bilyong halagang sobra nilang kinolekta mula sa mga tao,” dagdag pa ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, matagal nang hindi natutupad ng Meralco ang kanilang mga obligasyon sa mga konsyumer, kaya’t bago isaalang-alang ang renewal ng kanilang prangkisa, nararapat lang na magsagawa muna sila ng tamang refund para sa mga overcollections.

Exit mobile version