Site icon PULSE PH

Senado, Hindi Papayag sa Lump-Sum ‘Unprogrammed Funds’ sa 2026 Budget!

Mariing sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi papayagan ng Senado ang bilyon-bilyong pisong “unprogrammed funds” o lump-sum allocations na nakapaloob sa bersyon ng 2026 national budget na inaprubahan ng Kamara.

Ayon kay Sotto, sinabi ni House Speaker Faustino Dy III na may ₱80 bilyong unprogrammed funds sa budget, ngunit lumalabas sa mga ulat na maaaring umabot ito sa ₱200 bilyon o higit pa.

“Kahit ₱80 billion o ₱255 billion pa ‘yan, hindi namin papayagang basta ilagay bilang unprogrammed funds. Para saan? Malaking halaga na walang malinaw na detalye — hindi katanggap-tanggap,” ani Sotto sa panayam sa DZBB.

Giit ni Sotto, dapat ay malinaw kung saan mapupunta ang bawat pondo, at hindi basta ilalagay sa unprogrammed allocations gaya ng dati, kung saan hindi tuwirang napupunta ang tulong sa mga ahensiyang dapat itong mamahala.

“Kung para sa AICS (Assistance to Individuals in Crisis) o MAIP (Medical Assistance to Indigent Patients), dapat diretso na sa DSWD o DOH — hindi unprogrammed,” dagdag pa niya.

Ipinunto rin ng Senate leader na ang tanging papayagang unprogrammed funds ay yaong para lamang sa foreign-assisted projects.

Kasabay nito, muling iginiit ni Sotto ang 20% budget cut sa bawat proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maiwasan ang overpricing, batay sa mga nadiskubreng iregularidad sa mga Blue Ribbon hearings.

Bukod dito, pinag-aaralan ng Senado ang paglipat ng ilang proyekto — gaya ng mga farm-to-market roads at health centers — sa mga lokal na pamahalaan para sa mas maayos na monitoring at transparency.

Posible rin umanong bawasan ang ₱6.79-trilyong pambansang budget, na makatutulong upang mapababa ang utang ng pamahalaan.

Ipinagbawal din ni Sotto ang mga “insertions” o last-minute amendments sa budget bill, upang matiyak na “malinis ang budget.”

“Walang insertions sa third reading o bicam. Lahat ng pagbabago, dapat sa floor lang during second reading,” aniya.

Samantala, nangako si Sen. Bam Aquino na itutuloy ang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects, at nanawagan ng pagsasampa ng kaso laban sa mga responsable.

“Ayaw ng taumbayan ng palusot. Panahon na para umaksyon ang gobyerno at managot ang mga may sala,” ayon kay Aquino, na tinawag itong “the best Christmas gift” kung may mapapanagot bago matapos ang taon.

Si Aquino rin ang nagsusulong ng Philippine National Budget Blockchain Act, isang panukalang batas na layong ilagay sa blockchain ang lahat ng dokumento ng pambansang budget upang mas mapataas ang transparency at pananagutan ng mga ahensya ng gobyerno.

Exit mobile version