Idineklara ng Korte Suprema na konstitusyonal ang Republic Act 12232, na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Disyembre 2025 patungong Nobyembre 2026.
Ayon sa SC, may kapangyarihan ang Kongreso na tukuyin ang termino ng mga barangay at SK officials, kaya’t magiging apat na taon ang kanilang termino. Binawi rin ng korte ang petisyon ni Atty. Romulo Macalintal, na nagsabing nilalabag ng batas ang karapatan ng publiko sa pagboto. Giit ng SC, binago lamang ang pagitan ng eleksyon mula tatlo tungong apat na taon.
Samantala, umabot na sa 356,421 ang bagong nagparehistro para sa 2026 BSKE mula nang magbukas ang voter registration noong Oktubre 20. Pinakamataas ang bilang sa Calabarzon (75,936), sinundan ng Metro Manila (49,342) at Central Luzon (29,541).
Bagama’t maaaring humiling ng reconsideration si Macalintal, epektibo na ang desisyon ng SC na ipatupad ang halalan sa Nobyembre 2026 at gawing tuwing apat na taon ang BSKE.
