PULSE PH

Sara Duterte, May Napili na Raw na Running Mate para sa 2028

Inihayag ni Sara Duterte na nakapagrekrut na siya ng nais niyang maging running mate sa 2028 presidential elections, ilang araw matapos niyang ideklarang tatakbo siya bilang pangulo. Gayunman, tumanggi siyang pangalanan ang naturang personalidad dahil hindi pa umano pinal ang lahat.

Ayon sa Bise Presidente, pangunahing tungkulin ng kanyang magiging ka-tandem ang panagutin ang mga tiwaling opisyal sa gobyerno upang makapagpokus siya sa pamamahala sakaling mahalal. Iginiit din niyang hindi siya mapaghiganti, ngunit walang dapat makaligtas sa pananagutan.

Nilinaw ni Duterte na personal niyang desisyon ang pagtakbo at hindi ito idinaan sa konsultasyon sa marami, kabilang ang kanyang ama na si Rodrigo Duterte, na nalaman lamang ang kanyang plano kalaunan. Aniya, hindi rin nakabatay sa survey ang kanyang hakbang kundi sa panghihikayat ng mga taong nakakausap niya sa iba’t ibang panig ng bansa.

Binigyang-diin din niya na wala siyang planong magbitiw sa puwesto sa kabila ng mga panawagang impeachment, at handa umano siyang harapin ang anumang proseso.

Samantala, sinabi ni Bienvenido Abante Jr. na posibleng maging mahirap para kay Duterte na talunin si Leni Robredo kung sila ang magtapat sa 2028, at iginiit na dapat suriin ng mga botante ang integridad at track record ng mga kandidato.

Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng suporta ang dating kongresista na si Bernadette Herrera sa maagang pag-anunsyo ni Duterte, na aniya’y nagbibigay-linaw sa publiko hinggil sa direksiyon ng susunod na halalan.

Exit mobile version