Inanunsyo ni Vice President Sara Duterte na muli siyang babalik sa The Hague sa May 31—mismong araw ng kanyang kaarawan—kasama ang inang si Elizabeth Zimmerman, para bisitahin ang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen prison habang nililitis sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang “war on drugs.”
Ayon kay Sara, sa huling pagbisita nila, hindi nakapasok ang kanyang ina sa kulungan, kaya nangako siyang babalik silang magkasama. “Gusto ni Papa makita si Mama, kaya sabi ko sa kanya, magkikita kami sa birthday ko,” ani Sara.
Sa parehong panayam, ibinahagi rin ng Bise Presidente na muling hinikayat siya ng kanyang ama na tumulong mangampanya para sa senatorial slate ng PDP-Laban. “Sabi niya, diretsohin ko raw—sabihin sa tao na bumoto ng straight PDP,” ani Sara, sabay kumpirma na sasama na siya sa mga campaign sortie.
Bukod sa mga kandidato ng PDP-Laban, sinabi rin ni Sara na susuportahan niya sina Sen. Imee Marcos at Rep. Camille Villar dahil “pareho sila ng paninindigan.”
“Look who’s lying” — Colmenares kontra sa abogado ni Duterte
Samantala, pinatutsadahan ni dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares si Nicholas Kaufman, ang abogado ni Duterte sa ICC, matapos nitong tawaging “sinungaling” ang kampo ng mga biktima, sina Atty. Joel Butuyan at Atty. Kristina Conti.
Ayon kay Colmenares, ang mismong Duterte camp ang humiling sa ICC na limitahan ang proseso ng pagkilala sa mga biktima, pero nang hindi sila paboran, bigla na lang umalma si Kaufman. “Pinal na ‘yun—kampo ng biktima ang pinaboran ng ICC, hindi sila,” giit ni Colmenares.
Dagdag pa niya, hindi sila kailanman nanira ng kabilang kampo. “Sumusunod kami sa ethical standards ng mga abogado. Ang problema, natalo siya sa motion kaya nang-aaway,” sabi pa niya.
Depensa naman ni Kaufman, wala siyang ni-reject na request—obserbasyon lang umano ang ipinasa nila. Pero para sa kampo ng mga biktima, malinaw: natalo ang kampo ni Duterte sa ICC, kaya ngayon pa lang, mainit na ang banggaan.
