Site icon PULSE PH

Sandara, Nagpatikim ng 2NE1 Comeback at Nagpakilig sa SB19 Collab!

Sa isang star-studded concert sa SM MOA Arena, ipinakilala ang mga bagong music collaborations mula sa K-pop at P-pop acts. Kasama rito ang collab track na “Reset” ng 2NE1’s Sandara at SB19, na una nilang ginawa para sa Acer Day event noong nakaraang taon at muling itinanghal ngayong taon.

“I was really starstruck,” sabi ni SB19’s Pablo.

“Kita lang namin si Ate Dara sa TV at music videos pero iba talaga pag nakita mo siya in person,” dagdag ni Stell. “Mabait siya at madaling katrabaho. Ang galing kasi fluent pa rin siya mag-Tagalog. Hindi kami nahirapan mag-English kapag kasama siya.”

Bilang tagahanga ng SB19, sinabi ni Sandara na starstruck din siya sa P-pop boy band, lalo na nang isayaw niya ang hit nilang “GENTO.”

Masayang-masaya si Sandara na muling makauwi bilang bahagi ng major event ng Acer at umaasang makabalik pa ulit sa susunod na taon. Sa isang bahagi ng programa, ibinalita ni Sandara ang pagbabalik ng 2NE1.

“I have good news in my life and in my fans’ life. I’m really happy and blessed that one of my greatest wishes came true. 2NE1 is back!” masiglang pahayag niya.

“Magsisimula kami ng tour sa Oktubre sa Seoul. Sana marami pang concerts na darating. Dapat meron ding Manila stop ‘di ba. Hindi pwedeng walang Manila sa 2NE1 tour. Sana makagawa kami ng concert dito sa MOA Arena tulad ng dati. Let’s pray for that and to celebrate 2NE1’s comeback, I chose this next song for you. If you know this song, sing with me. Let’s go.”

Todo-sigaw ang mga concertgoers habang sinasabayan ang 2NE1 hit na “I Don’t Care” kasama si Sandara, na naka-black at silver top at green at blue skirt, kasama ang G-Force bilang backup dancers.

Exit mobile version