Sa pinakahuling Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga senador, Sen. Mark Villar ang lumabas na pinakamayaman, habang Sen. Francis “Chiz” Escudero naman ang pinakamababa ang net worth sa kapwa mambabatas.
Batay sa inilabas na dokumento, may P1.2 bilyon ang net worth ni Villar, kabilang ang 14 real properties na nagkakahalaga ng P349 milyon at personal assets na umaabot sa P912 milyon — at wala siyang iniulat na utang o liabilities. Kabilang sa kanyang mga negosyo ang Himlay’s Realty Inc. at Major Asset Ventures Holdings Inc.
Samantala, si Escudero ay nagdeklara ng P18.8 milyon na net worth, halos lahat ay mula sa cash, securities, at luxury vehicles. Wala siyang personal na ari-arian dahil ang limang property na nasa kanyang pangalan ay nakuha lamang sa pamana.
Kasama rin sa naglabas ng SALN sina Sen. Joel Villanueva at Sen. Jinggoy Estrada, na kapwa iniimbestigahan kasama si Escudero kaugnay ng flood control controversy. Si Villanueva ay may P49.5 milyon, habang si Estrada naman ay may P221.4 milyon na net worth.
Ayon sa mga dokumento, si Villanueva ay may pitong negosyo ngunit hindi binanggit ang mga pangalan ng kumpanya, samantalang si Estrada ay may stocks sa dalawang real estate firms.
Samantala, kabilang sa pinakamayayamang senador ay sina Raffy Tulfo (P1.05 bilyon), Erwin Tulfo (P497 milyon), Camille Villar (P362 milyon), at Juan Miguel Zubiri (P431.7 milyon).
Ilan pa sa mga nagpahayag ng kanilang yaman ay sina Panfilo Lacson (P244.9 milyon), Lito Lapid (P202 milyon), JV Ejercito (P137 milyon), Pia Cayetano (P128.2 milyon), Bam Aquino (P86.5 milyon), Loren Legarda (P79.2 milyon), at Bong Go (P32.4 milyon).
Ayon sa Office of the Ombudsman, ang pagbubunyag ng SALN ng mga senador ay bahagi ng bagong memorandum ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na nagbabalik ng malawakang access ng publiko sa SALN ng mga opisyal ng gobyerno — isang patakarang pinalitan ang dating mas mahigpit na limitasyon na ipinatupad noong 2020.
Sa ngayon, apat pang senador — sina Alan Peter Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Imee Marcos, at Rodante Marcoleta — ang hindi pa rin nagsusumite ng kanilang SALN sa publiko.
