Para kay Ryle Santiago, tila lahat ng kanyang karanasan sa hosting ay nagsilbing daan patungo sa TV5 music show na “Vibe.”
Bilang isa sa mga “Vibe” jocks, sanay si Ryle sa pakikipagkuwentuhan sa mga manonood at pagbibigay-buhay sa segments gaya ng “Main Vibe,” “Uprising,” at “OG Experience.”
“Gusto ko sa ‘Main Vibe,’ ipinagdiriwang natin ang kasalukuyan — kung sino ang mga artist na patok ngayon,” sabi ni Ryle.
Ang “Vibe” ay nagpapakita ng Top 10 OPM hits na ibinoboto ng fans, habang ang “OG Experience” naman ay nagbibigay-pugay sa mga musikero na nagbigay ng kulay sa nakaraan.
“Laking tuwa ko noong nag-guest ang APO, kasi ‘yun ‘yung mga tugtugang kinalakihan ko — pati nanay ko, aliw na aliw!” kuwento niya.
Sa segment na “Uprising,” natutuwa naman si Ryle sa mga bagong musikero na nagiging bahagi ng kanyang personal playlist.
“Ang saya kasi may mga bagong tunog na pumapasok — sila ang future ng OPM,” dagdag niya.
Bago nakamit ang kumpiyansa sa hosting, dinaanan muna ni Ryle ang ilang mahirap na training sa mga online shows tulad ng ASAP Chillout, Tawag ng Tanghalan Online, Showtime Online, at One Music Popssss kasama sina Iñigo Pascual at Maris Racal.
“Walang script noon — bara-bara lang! Pero doon ako natutong makipag-usap ng totoo at mag-adjust sa bawat guest,” aniya.
Nagkaroon din siya ng sariling music-travel show na “Wander Jam”, kung saan bumiyahe siya sa iba’t ibang lugar kasama ang mga banda at indie artists.
“Parang culmination lahat ng experience ko. Yung mga indie artists na in-interview ko dati, ngayon nandito na sa ‘Vibe’ — nakakatuwang balikan,” sabi ni Ryle.
Ngayon, hindi lang siya host — mentor na rin siya sa mas batang hosts ng “Vibe.”
“Masarap sa pakiramdam na nakakatulong ako sa mga Gen V hosts,” aniya.
Nakakatuwang detalye, hindi raw siya in-offeran ng “Vibe” — siya mismo ang nagboluntaryo.
“Gusto ko talaga mapasali, kaya ako na ang nagpakita ng interest. Buti na lang, natanggap ako sa team,” natatawang sabi niya.
Mapapanood si Ryle Santiago sa “Vibe” sa TV5 tuwing weekdays 4:45 p.m., weeknights 11:30 p.m., Saturdays 6:30 p.m., at Sundays 6:45 p.m.