Kinumpirma ng abogadong si Atty. Mary Louise Reyes na may warrant of arrest si Rufa Mae Quinto dahil sa 14 counts ng paglabag sa Securities Regulation Code.
Ayon kay Reyes, may kinalaman ito sa Dermacare, ang parehong kompanyang nasangkot sa kaso ni Neri Naig-Miranda. Ngunit hindi tulad ni Neri, walang kasong Estafa si Rufa Mae kaya maaari siyang magpiyansa.
“Voluntary siyang susuko at magpo-post kami ng bail. Hindi totoo ang mga paratang. Brand ambassador lang siya, hindi siya kasali sa mga transaksyon,” ani Reyes.
Dagdag pa niya, may ebidensya silang magpapakita na si Rufa Mae ay walang pananagutan, kabilang na ang mga tumalbog na tseke at iba pang dokumento.
Samantala, si Neri Naig ay naaresto noong Nobyembre 23 at may piyansang halos P2 milyon para sa Securities Code violations.
