Iginiit ni Harry Roque na wala at hindi umano matutuloy ang hinihiling na Interpol red notice laban sa kanya ng pamahalaan ng Pilipinas.
Nahaharap si Roque sa warrant of arrest kaugnay ng kasong qualified trafficking. Gayunman, sinabi niyang tinanggap na ng Interpol ang kanyang petisyon para ma-delist, batay sa kanyang nakabinbing asylum application sa European Union. Hiningi rin umano sa kanya ang English translations ng mga dokumentong magpapatunay ng kanyang asylum claim.
Sa kasalukuyan, wala ang kanyang pangalan sa listahan ng red notices sa website ng Interpol. Nasa Austria si Roque habang pinoproseso ang kanyang asylum application at iginiit niyang valid pa ang kanyang pasaporte dahil may nakabinbing motion for reconsideration.
Matatandaang noong Nobyembre, inanunsyo ng Department of Foreign Affairs na kinansela ng isang korte sa Pasig ang kanyang pasaporte.
Pinaninindigan ni Roque na siya ay biktima ng unjust prosecution. Ang mga kasong isinampa laban sa kanya ay may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot niya sa ilegal na operasyon ng isang Philippine offshore gaming operator sa Pampanga.
