Sa isang Senate hearing noong Lunes, binalaan si dating presidential spokesperson Harry Roque na maaaring ma-cite for contempt matapos magkasagutan sila ni Sen. Risa Hontiveros.
“Atty. Roque, pakigalang ang chairperson,” sabi ni Sen. Sherwin Gatchalian sa pagdinig ng Senate Committee on Women.
“Galang naman ako,” sagot ni Roque.
“Paano galang kung nagsasalita siya, sinasabayan mo siya?” tugon ni Gatchalian.
“Isang beses pa at ite-cite kita for contempt; at kung babastusin mo ang chairperson, mapipilitan kaming i-contempt ka,” dagdag ni Gatchalian, na tumutukoy kay Hontiveros.
Nagkasagutan sina Hontiveros at Roque nang muling ungkatin ng senador ang umano’y koneksyon ni Roque sa na-raid na Philippine offshore gaming operator (Pogo) na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Tinanong ni Hontiveros si Roque kung pinaninindigan nito na hindi siya abogado ng Lucky South 99 o anumang Pogo.
“Kinukumpirma ko na 100 porsyento,” sabi ni Roque.
Pinuna rin ni Roque ang isinagawang raid ng mga awtoridad, na sinabing ang warrant of arrest ay inisyu ng isang korte sa Bulacan na wala umanong hurisdiksyon sa nasabing Pogo.
Pinagsabihan ni Hontiveros si Roque na manatili sa isyu, na ang pokus ng imbestigasyon ay ang Pogo, at hindi ang raid.
Nang humiling si Roque na magbigay pa ng karagdagang pahayag, iginiit ni Hontiveros na simpleng “yes” o “no” lang ang kinakailangan na sagot sa tanong niya.
“Magpakatotoo tayo, kasi pinapahiwatig mo na abogado ako ng Lucky South,” sabi ni Roque.
Pinasinungalingan ito ni Hontiveros, na sinabing nagtanong lang siya base sa mga naunang testimonya ng mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Sa hearing ng komite noong July 10, sinabi ni Pagcor chief Alejandro Tengco na humiling si Roque ng isang pulong noong Hulyo 2023 upang ayusin ang lisensya at hindi nabayarang utang ng Lucky South 99.
Kasama ni Roque si Katherine Cassandra Li Ong, isang opisyal ng Pogo firm, nang magpulong sila sa mga opisyal ng Pagcor noong July 26, 2023.
Ngunit itinanggi ni Roque na siya ay abogado ng Pogo, tulad ng sinasabing nakasaad sa organizational chart nito. Inulit niya na ang kanyang kliyente ay ang Whirlwind Corporation, isang service provider ng Lucky South. Sa panahong iyon, aniya, ang Pogo firm ay may hawak na valid na lisensya mula sa Pagcor.