Site icon PULSE PH

Romualdez itinanggi ang Paratang ni VP Sara na Tumatanggap Siya ng Suhol!

Mariing pinabulaanan ni dating House Speaker Martin Romualdez ang panibagong akusasyon ni Vice President Sara Duterte na umano’y tumanggap siya ng milyon-milyong suhol mula sa ilegal na sugal, bukod pa sa isyu ng flood control projects.

“Diretsahan kong sasabihin: hindi totoo na ako’y tumatanggap mula sa ilegal na sugal,” pahayag ni Romualdez nitong Lunes, Setyembre 29.

Nag-ugat ang alegasyon matapos banggitin ni Duterte sa Senado ang testimonya ng dating aide ni Rep. Zaldy Co, na nagsabing naghatid siya ng maletas na puno ng pera sa Makati property ni Romualdez. Giit ni Duterte, matagal na raw niyang alam ang ganitong “modus” at ngayon lang ito nailabas dahil sa paglutang ng isang saksi.

Bukod dito, muling ibinato ni Duterte ang dating isyu laban kay Romualdez na umano’y nasangkot sa bribery case sa Delaware, U.S. noong 2023, na kinasasangkutan ng Okada Manila at 26 Capital. Pinangalanan nga si Romualdez sa mga dokumento roon, pero hindi ito direktang tinukoy o inimbestigahan ng korte.

Tinawag naman ng mambabatas na “puro kathang-isip” ang akusasyon. Aniya, “Wala akong kinalaman sa kasong iyon, na away lang ng dalawang negosyo. Binabalik lang ngayon para siraan ako.” Dagdag pa niya, mahirap paniwalaan ang mga paratang kung mismong nag-aakusa ay may kaso rin ng maling paggamit ng pondo.

Matatandaang lalong lumalim ang banggaan ng kampo ni Duterte at ni Romualdez matapos ang mga naging budget deliberations na naglantad ng bitak sa Marcos-Duterte alliance. Kamakailan, bumaba sa puwesto si Romualdez bilang Speaker para harapin ang mga alegasyon sa flood control kickbacks.

Sa parehong araw, nakipagsagutan din siya kay dating Senate president Chiz Escudero, kaalyado ni Duterte, na dati ring kabilang sa pinakamakapangyarihang lider ng Kongreso bago sila pareho malugmok sa isyu ng korapsyon.

Exit mobile version