Muling nagpasiklab sa mundo ng combat sports ang Filipinong boksingero na si Rolando Dy matapos niyang dominahin at patumbahin ang dating world boxing champion na si Paulie Malignaggi. Sa kanilang naging bakbakan sa kilalang AO Arena sa Manchester, England, matagumpay na naipagtanggol ng tatlumpu’t apat na taong gulang na Pinoy fighter ang kanyang BKB Bare Knuckle Boxing super welterweight title sa pamamagitan ng isang knockout victory sa ikalawang round pa lamang.
Mula sa simula ng laban, agad na ipinaramdam ni Dy ang kanyang lakas sa apatnapu’t limang taong gulang na Amerikanong kalaban sa pamamagitan ng pagpapakawala ng mga solidong kumbinasyon ng suntok. Pagpasok ng ikalawang round, hindi na sinayang ng reigning champion ang pagkakataon nang mapabagsak niya si Malignaggi gamit ang pinagsamang left hook at kanang diretso. Bagamat nakatayo pa ang Amerikano, agad itong sinundan ni Dy ng isa pang mapaminsalang kanang suntok na tuluyang nagtapos sa laban.
