Pumasok na si Naga City Mayor Leni Robredo sa Mayors for Good Governance (M4GG), isang samahan ng mga lokal na opisyal na nagsusulong ng transparency at accountability sa pamahalaan.
Kabilang sa mga convenor ng grupo sina Baguio Mayor Benjie Magalong, Pasig Mayor Vico Sotto, Quezon City Mayor Joy Belmonte, at Isabela City Mayor Sitti Hataman. Sa bagong termino (2025–2028), inanunsyo ng M4GG ang unang batch ng mga kasapi, kabilang si Robredo at 50 pang alkalde tulad nina Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, Iloilo City Mayor Raisa Treñas, at Tarlac City Mayor Susan Yap.
Ayon sa pahayag ng M4GG, ang pagiging kasapi ay “hindi lamang karangalan kundi isang malaking responsibilidad” para isulong ang tapat at makabagong pamumuno.
Bagong halal bilang alkalde ng Naga, ipinahayag ni Robredo ang buong suporta sa adbokasiya ng grupo, partikular na laban sa umano’y anomalya sa flood control projects. Kamakailan ay nakipagpulong din siya kina Magalong at Belmonte sa Maynila.
Sa kasalukuyan, higit 70 miyembro at alumni ng M4GG ang lumagda sa isang manifesto na nananawagan ng buong pananagutan at katarungan sa mga proyektong pampubliko.