Tinawag ni Senador Robin Padilla na “mahina” ang kabataan ngayon kumpara sa mga lumaki noong dekada ‘80 at ‘90.
Sa pagdinig ng Senate committee on public information and mass media na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Padilla na mas matatag umano ang mga kabataan noon dahil nasanay silang maglaro sa kalsada, mag-camping, at makipagkaibigan nang personal. Aniya, hindi sila “iyakin” at natutong harapin ang problema sa murang edad.
Ikinumpara rin niya ang noon at ngayon pagdating sa mental health, sinasabing hindi uso ang salitang “depression” noong panahon nila, samantalang ngayon ay pati mga bata ay gumagamit na ng naturang termino.
Dahil dito, iginiit ng senador na dapat i-regulate ang paggamit ng social media ng mga kabataan, dahil aniya’y nagiging “adik” ang ilan dito.
Samantala, ayon kay Berni Moestafa ng Meta, hindi kailangang tuluyang pagbawalan ang mga bata sa digital platforms. Binigyang-diin niya na may karapatan ang kabataan sa access, ngunit dapat tiyaking may sapat na proteksiyon para sa kanilang kaligtasan online.
