Umiinit ngayon sa social media ang espekulasyon tungkol kina Ricci Rivero at Juliana Gomez matapos silang makitang magkahawak-kamay habang naglalakad sa loob ng isang mall.
Nag-viral sa TikTok ang video ng dating star collegiate basketball player at ng anak nina Richard Gomez at Lucy Torres, na agad nagpasiklab ng tanong ng netizens: sila na nga ba?
Mas lalo pang lumakas ang dating rumors nang makitang nanonood si Ricci ng fencing match ni Juliana sa 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Richard Gomez na may nanliligaw na muli sa kanyang anak at ipinakilala na ito ni Juliana sa pamilya sa isang hapunan. Ayon pa sa aktor at politiko, mahalaga ang pagiging masaya ngunit may hangganan pa rin.
“Dalaga ka, maganda ka, hindi ka pa kasal, so may limits,” ani Gomez.
Samantala, kilala si Ricci sa mga naging relasyon niya noon, kabilang ang beauty queen na si Leren Mae Bautista at aktres na Andrea Brillantes.
