Nilinaw ng Kapamilya actress na si Ria Atayde ang kumakalat na tsismis tungkol sa umano’y alitan nina Robi Domingo at John Lloyd Cruz sa kanyang kasal kay Zanjoe Marudo, matapos lumabas ang ulat na may naging komprontasyon ang dalawa sa nasabing okasyon.
Ayon kay Ria, kung may nangyari man sa pagitan nina Robi at John Lloyd, hindi ito umabot sa kanya at hindi rin nakaapekto sa daloy ng selebrasyon. Aniya, naging maayos, tahimik, at napakaganda ng gabi ng kanilang kasal.
Ibinahagi rin ni Ria na mula pa sa simula ay malinaw na sa kanila ang gusto nilang intimate at pribadong seremonya, kaya’t lubos siyang nagpapasalamat sa mga bisitang rumespeto sa kanilang kahilingan na huwag maglabas ng larawan o video. Para sa kanya, mas espesyal ang kasal kapag tunay na naroroon ang lahat at sabay-sabay na ini-enjoy ang sandali.
Dagdag pa ng aktres, piling kaibigan at pamilya lamang ang dumalo sa kasal, na aniya’y isang payak ngunit makahulugang pagdiriwang ng kanilang pagmamahalan at ng mga taong naging bahagi ng kanilang kuwento bilang magkasintahan.
Nauna nang iniulat ng showbiz reporter na si Ogie Diaz ang umano’y insidente kung saan sinita raw ni John Lloyd si Robi matapos ang isang biro habang nagho-host ito. Gayunman, hanggang ngayon ay wala pang pahayag sina Robi Domingo at John Lloyd Cruz kaugnay sa nasabing ulat.
