Site icon PULSE PH

Rep. Ralph Tulfo, Itinanggi ang Paggamit ng Pondo ng Bayan sa ₱2M Las Vegas party!

Aminado si Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo na siya ang nasa viral video ng engrandeng party sa isang bar sa Las Vegas, ngunit mariin niyang itinanggi na galing sa pondo ng gobyerno ang mahigit ₱2 milyon o humigit-kumulang $42,000 na ginastos doon.

Sa ulat ng 24 Oras, sinabi ni Tulfo na ang video na in-upload ng Boldyak TV sa YouTube ay kuha pa noong Pasko ng 2023, sa isang private celebration kasama ang kanyang mga kaibigan.

“Ako po ay humihingi ng pang-unawa para sa video… kuha sa isang pribadong pagdiriwang noong Pasko 2023 dahil may natanggap na magandang balita ang aking mga kaibigan,” paliwanag ng 29-anyos na kongresista, na anak ni Senador Raffy Tulfo.

Nilinaw rin niya na bagama’t siya ang gumamit ng credit card, nag-ambagan silang magkakaibigan para bayaran ang bill. Aniya, “Ito ay isang personal trip, at wala kaming ginamit na pondo ng gobyerno at pera ng taumbayan.”

Aminado si Tulfo na naiintindihan niya kung bakit masakit sa publiko ang makita ang ganoong klaseng kasayahan. Gayunpaman, iginiit niya na mas dapat manatiling nakatutok ang atensyon sa mga kasalukuyang isyu ng korapsyon: “Huwag po tayong papayag na ilihis ang usapin ng korapsyon. Sama-sama po tayong mas maging mapagmatyag at panagutin ang dapat managot.”

Samantala, napansin na hindi dumalo si Tulfo sa plenary session ng Kamara matapos lumabas ang isyu. Wala ring tugon ang kanyang ina, si ACT-CIS Rep. Jocelyn Tulfo, tungkol dito.

Exit mobile version