PULSE PH

Remulla: ‘Beyond imagination’ ang P31B Proyekto ng mga Discaya!

Tinawag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na “walang katulad” at “lampas sa imahinasyon” ang umano’y modus ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, matapos makuha ng kanilang mga kompanya at kaalyado ang bilyon-bilyong pisong halaga ng proyekto sa buong bansa.

Ayon kay Remulla, kakaiba ang estilo ng Discayas dahil hindi sila nag-operate sa iisang rehiyon lamang—bagkus, ginamit nila ang kanilang mga lisensya para mapasok ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas, taliwas sa karaniwang “territoriality principle” sa mga kontrata ng gobyerno.

Batay sa datos, mula 2022 hanggang 2024, nakakuha ang mga kompanya ng Discayas ng humigit-kumulang 421 projects na may kabuuang halagang ₱31.04 bilyon, karamihan ay flood-control works. Sa halagang ito, ₱25.2 bilyon ang galing sa kanilang sariling firms, habang ang natitira ay mula sa mga ka-affiliate na kumpanya.

Idinagdag pa ni Remulla na may testimonya si dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo na nagsasabing nakakalusot umano ang mga proyekto ng Discayas sa competitive bidding, malinaw na paglabag sa Philippine Competition Act at Anti-Graft Law.

Bagama’t sinabing nagsimula ang mag-asawa sa contracting noong 2007, naging malaki raw ang kanilang impluwensiya at kita noong 2016. Tinatayang aabot sa ₱207 bilyon o higit pa ang halaga ng mga proyekto na kanilang nakuha, ayon kay Remulla.

Sa ngayon, nasa ilalim ng witness protection program ang Discayas habang inaalam ng DOJ kung maaari silang gawing state witnesses para tuluyang makaligtas sa kaso. Samantala, ang mga mambabatas at dating opisyal ng DPWH na pinangalanan ng mag-asawa ay nakatakdang ipatawag para beripikahin ang impormasyon.

Exit mobile version