Inaprubahan ng House of Representatives ang isang resolusyon na nagpapahintulot sa limang komite nito na magsagawa ng “joint inquiry” para magmungkahi ng pagbabago sa batas o lumikha ng bagong lehislasyon na layong sugpuin ang malawakang smuggling at price manipulation.
Noong Setyembre 25, inaprubahan ng mga mambabatas ang House Resolution 2036, na nagbibigay-daan sa mga komiteng ito na imbestigahan ang mga ulat ng mga mapagsamantalang negosyante na nambibiktima ng mga walang kalaban-labang mamimili.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, mangunguna ang kanyang komite sa ways and means sa pagsasagawa ng mga joint probe kasama ang mga komite ng kalakalan, agrikultura, serbisyo-sosyal, at pagkain—tinaguriang “Quinta Comm.”
Ang layunin ng Quinta Comm ay mag-imbestiga sa mga programang pamahalaan laban sa smuggling, price manipulation ng mga pangunahing bilihin, at pagtugon sa gutom at food security.
Inaasahan ng liderato ng Kamara na ang imbestigasyon ay maglalabas ng mga rekomendasyon para sa mga bagong batas na tutugon sa mga problemang ito.