Naitala ng Quezon City ang pinakamataas na revenue sa lahat ng local government units (LGUs) noong 2024, ayon sa Commission on Audit (COA). Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Joy Belmonte, umabot sa P31.434 bilyon ang kita ng lungsod—mas mataas kumpara sa P29.143 bilyon noong 2023.
Batay sa 2024 Annual Financial Report ng COA, nanguna ang Quezon City sa 1,694 LGUs sa buong bansa, na kinabibilangan ng mga lungsod, probinsya, at munisipalidad. Kabilang sa pinagkukunan ng kita ang buwis, bahagi sa national taxes, internal revenue allotment, serbisyo at negosyo, at iba pang income sources.
Ayon sa audit report, malaking ambag sa pagtaas ng kita ng QC ang mas mataas na koleksiyon mula sa real property tax na umabot sa P10.32 bilyon. Tumaas din ang revenue mula sa socialized housing program beneficiaries.
Kasunod ng Quezon City sa may pinakamataas na kita ay ang Makati, Maynila, Taguig, Davao City, at Pasig—patunay ng patuloy na lakas ng ekonomiya ng mga pangunahing lungsod sa bansa.
