Inaprubahan na ng Quezon City government ang isang makasaysayang ordinansa na layong magbigay ng accessible at pantay-pantay na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng residente, anuman ang kanilang gender identity o expression.
Ang Comprehensive Gender-Inclusive Health Ordinance ay magtatakda ng sistema para sa gender-affirming primary care, mental health support, at iba pang espesyal na medikal na serbisyo sa mga pampublikong health facilities ng lungsod.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, “Ang ordinansang ito ay patunay ng dedikasyon ng Quezon City sa isang inklusibong health care system. Karapatan ng bawat isa ang serbisyong tumatanggap at nirerespeto sila kung sino sila.”
Ipinagbabawal din sa ordinansa ang lahat ng uri ng conversion therapy at mga gawain na naglalayong supilin ang gender identity.
Target ng batas na alisin ang mga hadlang sa kalusugan na nararanasan ng LGBTQIA+ community sa lungsod, na matagal nang nakararanas ng diskriminasyon at limitadong access sa mga serbisyong medikal.
Ito ay isang malaking hakbang para masigurong walang naiiwang taong hindi nabibigyan ng tamang pangangalaga sa Quezon City.