Nagbigay ng paalala ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa mga paaralan na bigyang-priyoridad ang kaligtasan ng mga estudyante at tiyaking maayos ang pagpaplano sa mga malalaking aktibidad.
Ang pahayag ay inilabas matapos ang isang insidente sa Bestlink College of the Philippines, kung saan nagkaroon ng aberya sa daloy ng trapiko at mga isyu sa kaligtasan ng mga estudyante.
“Pinapaalalahanan ang mga paaralan ng kanilang responsibilidad na magsagawa ng maingat na pagpaplano at makipag-ugnayan sa mga lokal na yunit ng gobyerno at iba pang kaugnay na ahensya,” sabi ng Quezon City government.
Dagdag pa nila, “Ang pagsunod sa mga itinalagang safety protocols ay hindi pwedeng palampasin at kailangang sundin nang mahigpit upang maprotektahan ang mga estudyante at maiwasan ang abala sa publiko.”
Ipinag-utos ng Commission on Higher Education (CHED) sa Bestlink College na magpaliwanag kung bakit pinayagan ang isang off-campus activity sa isang resort sa Hermosa, Bataan, para sa mahigit 1,000 estudyante, kung saan ang ilan sa kanila ay kinailangang maglakad ng ilang oras dahil sa kakulangan ng transportasyon.