Tututukan ng Quezon City government ang mga low-income households na nakatira sa mga delikadong lugar sa pamimigay ng mga emergency Go Bags bilang bahagi ng programa sa disaster preparedness.
Simula pa noong Hulyo 2025, nagsimula nang mamahagi ng RESQC Bags ang city hall sa mga residente sa paligid ng ilog, sapa, at estero na madalas maapektuhan ng biglaang pagbaha at sunog.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang susunod na mabibigyan ay ang mga pamilyang nakatira sa kahabaan ng West Valley Fault sa siyam na barangay, batay sa hazard maps at risk profiles ng mga eksperto.
“Ang prayoridad namin ay ang mga pinaka-nanganganib at nangangailangan ng tulong,” ayon sa QC government.
Hinimok din ng city hall ang mga residente na maghanda ng sarili nilang Go Bag ayon sa pangangailangan ng bawat pamilya, bilang dagdag na paghahanda sa mga sakuna. Ang mga nangangailangan ng agarang tulong ay maaaring tumawag sa Helpline 122.
Samantala, sa Taguig City, pinangunahan ni Mayor Lani Cayetano ang house-to-house distribution ng mga Go Bags sa Centennial Village, Barangay Western Bicutan, kung saan 1,248 pamilya mula sa 13 gusali ang nabigyan.
Laman ng mga Go Bag ang flashlight, whistle, first-aid kit, at safety guide upang makatulong sa mabilis na pagresponde sa oras ng emergency.
Prayoridad ng Taguig ang mga medium at high-rise buildings sa high-risk zones para sa lindol at iba pang kalamidad. Namahagi rin ng Go Bags sa 52 pampublikong paaralan at child development centers sa lungsod.