Mariing itinanggi ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon City ang mga “malisyosong parinig” na nag-uugnay sa kanilang mga proyekto sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, na iniimbestigahan dahil sa mga iregularidad sa mga flood control at infrastructure projects.
Ayon sa QC government, apat lang sa mahigit 1,300 proyekto mula 2019 — o 0.3% ng kabuuan — ang konektado sa mga kumpanya ng Discaya. Kabilang dito ang six-storey multipurpose building, canal project sa Ermitaño Creek, at dalawang phase ng Balingasa High-Rise Housing Project.
Matapos bawiin ng PCAB ang lisensya ng siyam na kumpanya ng Discaya noong Setyembre 1, 2025 dahil sa paglabag sa batas, agad ipinatigil ni Mayor Joy Belmonte ang lahat ng proyekto noong Setyembre 19 bilang pagsunod sa regulasyon.
Batay sa ulat ng Sumbong sa Pangulo at DPWH, nakakuha ang mga Discaya ng ₱30 bilyon sa mga proyekto mula 2022–2025, at sinampahan ng kaso ang isa sa kanilang kumpanya dahil sa bid manipulation at ghost projects.
Giit ng Quezon City government, “wala itong itinatago” at bukas ito sa anumang imbestigasyon. Ipinunto ni Mayor Joy Belmonte na patuloy siyang magsusulong ng good governance, transparency, at laban kontra fake news upang mapanatili ang tiwala ng publiko.