Nagpahayag ng buong suporta si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga nakatakdang kilos-protesta laban sa korapsyon na pangungunahan ng iba’t ibang civil society groups, estudyante, at iba pang organisasyon sa Setyembre 21.
Ayon kay Belmonte, bahagi ng demokrasya ang kalayaan sa pagpapahayag at pagtitipon, at naniniwala siyang mahalagang marinig ng pamahalaan ang tinig ng taumbayan. Nakikipag-ugnayan na rin siya sa ilang organizers ng protesta, partikular sa gaganapin sa People Power Monument sa QC. Isa pang malaking pagtitipon ang nakatakda sa Rizal Park, Maynila.
“Hiling ko lang, gawin natin ito nang mapayapa. Hindi na dapat maulit ang karahasang nangyari sa Nepal kung saan maraming buhay ang nawala,” ani Belmonte.
Muling inihayag ng alkalde ang kanyang pagkadismaya sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lungsod. Sa 331 proyekto mula 2022 hanggang 2025, lumabas sa pagsusuri ng lokal na pamahalaan na 305 dito ay hindi tugma sa drainage masterplan ng Quezon City.
“Galit na galit ako na winaldas ang pera ng bayan. Malungkot at masakit isipin na may mga taong walang konsensya na ginamit ito para lang kumita,” aniya.
Isinumite na ng QC government ang kanilang findings sa Independent Commission for Infrastructure na binuo ni Pangulong Marcos upang imbestigahan ang mga iregularidad sa flood projects. Nakipag-partner din ang lungsod sa Philippine Institute of Civil Engineers-QC at UP Resilience Institute para tiyaking mas epektibo ang mga susunod na proyekto at maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo ng publiko.