Nabulgar sa imbestigasyon ng Quezon City government na maraming flood control projects ng DPWH sa lungsod ang posibleng “ghost projects.” Ayon kay Mayor Joy Belmonte, bilyong pondo ang nawaldas na sana’y nakatulong sa mamamayan.
Mula sa 254 proyektong flood mitigation na unang naitala, lumobo ito sa 331 projects matapos magsumite ng updated list ang mga district office. Ngunit natuklasan na 66 projects ang may location errors: 35 na walang coordinates at hindi matagpuan, at 31 naman na maling coordinates.
Sa beripikasyon ng City Engineer’s Office, nadiskubreng ilang proyektong sinasabing “completed” ay simpleng pagpipintura ng sidewalk at pag-aayos ng manhole, kahit ang scope dapat ay rehabilitasyon ng drainage system. Mayroon ding slope protection na itinayo sa harap ng existing walls na mas nagbawas pa ng kapasidad ng mga daluyan ng tubig.
Aabot sa ₱17 bilyon ang kabuuang halaga ng mga proyekto, kung saan ₱16 bilyon dito ay hindi tugma sa drainage masterplan ng lungsod. Halimbawa, 91 sa 117 drainage system projects ay itinayo sa lugar na hindi flood-prone.
Galit na pahayag ni Belmonte: “Nalulustay ang pera ng taumbayan para lang yumaman ang iilan. Tama na. Sobra na. Mahiya naman kayo.”
Isusumite ng QC ang findings sa Independent Committee for Infrastructure ni Pangulong Marcos para sa kaukulang aksyon. Nakipag-partner din ang lungsod sa PICE-QC at UP Resilience Institute para masuri ang viability ng mga proyekto laban sa pagbaha.