Site icon PULSE PH

QC, Magbibigay ng Tulong sa Pamilya ng mga Nasawi sa Sunog sa Sto. Domingo!

Nangako ang Quezon City government ng tulong sa pamilya ng tatlong batang nasawi sa sunog sa Barangay Sto. Domingo nitong Martes.

Ayon sa pahayag ng City Hall, sasagutin ng lungsod ang lahat ng gastusin — mula lamay hanggang cremation ng mga biktima. Magbibigay rin sila ng psychosocial support para matulungan ang pamilya sa pagbangon sa trahedya.

Bukod dito, makatatanggap din ng pinansyal na tulong at relief packages ang iba pang naapektuhan ng sunog. Plano rin ng lungsod na irekomenda ang mga biktima para maisama sa Integrated Disaster Shelter Assistance Program ng Department of Human Settlements and Urban Development upang matulungan silang muling makapagsimula.

Dagdag ng pamahalaang lungsod, patuloy nilang palalakasin ang kaligtasan at kahandaan ng komunidad laban sa sunog at iba pang sakuna.

“Hindi na natin maibabalik ang ating mga mahal sa buhay, pero sisiguruhin nating hindi na ito mauulit. Sama-sama nating poprotektahan ang bawat tahanan at pamilya sa Quezon City,” ayon sa QC government.

Exit mobile version