Isinara ng Quezon City LGU ang Fahrenheit Club (F Club) matapos madiskubre ang ika-anim na kaso ng mpox sa lungsod. Ang huling kaso ay isang 31-taong-gulang na lalaki na bumisita sa club noong Oktubre 5 at nagkaroon ng sintomas dalawang linggo matapos.
Ito na ang ikalimang pagkakataon na nabanggit ang F Club bilang posibleng pinagmulan ng mpox. Noong Agosto, inutos na ng lokal na pamahalaan ang pagsara sa club matapos tumangging makipagtulungan sa contact tracing.
Nalaman din ng mga awtoridad na nagpatuloy sa operasyon ang club gamit ang bagong pangalan, “FINE Wellness Bar and Spa,” pero ito rin ay pareho ng lokasyon at pasilidad ng F Club. Kaya naman ipinagpaliban ang aplikasyon ng bagong negosyo.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, “Kahit palitan pa nila ang pangalan, hindi sila makakapag-operate kung hindi sumusunod sa mga regulasyon.” Magkakaroon din ng forum ang lokal na pamahalaan para sa mga spa at wellness establishments upang pigilan ang pagkalat ng mpox.