Isinabatas na sa Quezon City ang isang ordinansang naglalayong wakasan ang cervical cancer, isa sa pinakanakamamatay ngunit naiiwasang sakit sa Pilipinas.
Sa pangunguna ni Councilor Alfred Vargas, inilunsad ang Ordinance No. SP-3361 o ang Quezon City Cervical Cancer Elimination Program, bilang bahagi ng mas pinaigting na pangangalaga sa kalusugan ng kababaihan at kanilang mga pamilya.
Ayon kay Vargas, ang bagong batas ay:
– Magpapalakas ng HPV vaccination efforts para sa 90% ng mga batang babae bago mag- 15 anyos
– Magpapalawak ng cervical cancer screening sa mga barangay at ospital
– Magpapabilis ng diagnosis at paggamot sa pamamagitan ng patient navigation programs
– Magbabawas ng vaccine hesitancy sa pamamagitan ng health literacy campaigns at pakikipagtulungan sa mga paaralan, barangay at opisina
Ang QC ang kauna-unahang lungsod sa Pilipinas na nagpatibay ng batas laban sa cervical cancer, na ikalawang pinakanakamamatay na kanser sa mga Pilipinang edad 15-44.
Ayon sa Department of Health, mahigit 6,000 bagong kaso ng cervical cancer ang naitatala kada taon, na nagreresulta sa 12 pagkamatay araw-araw.
“Araw-araw, may 12 ina, anak at kapatid na namamatay dahil sa cervical cancer—isang trahedyang maaaring maiwasan,” ani Vargas.
Nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte ang ordinansa noong Enero 16, 2025, at inatasan ang City Health Department na buuin ang implementing rules sa loob ng 120 araw.
Dahil sa kanyang matibay na adbokasiya, kinilala si Vargas ng CerviQ (End Cervical Cancer PH) bilang isang pangunahing tagapagtaguyod ng cancer prevention, matapos niyang maisulong ang National Integrated Cancer Control Act noong siya ay kongresista.
