Bilang patunay ng maagap na paghahanda ng Quezon City government laban sa mga sakuna, inilunsad at ipinamimigay na ng lungsod ang mga RESQC Go Bags—matibay, eco-friendly, at puno ng mahahalagang gamit para sa emergency.
Nagsimula pa noong Hulyo 2025 ang produksyon at pamamahagi ng mga go bag, na unang ibinigay sa mga barangay na itinuturing na hazard-prone o madalas tamaan ng lindol, baha, at iba pang kalamidad.
Ang bawat RESQC Go Bag ay may kasamang mga pangunahing gamit tulad ng flashlight, first aid kit, whistle, bottled water, at iba pang pang-emergency na kailangan ng pamilya sa oras ng sakuna.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ito ng patuloy na inisyatiba ng lungsod na paigtingin ang kahandaan at alertness ng bawat QCitizen sa panahon ng kalamidad.
Pinaalalahanan din ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang publiko na laging maging alerto, handa, at responsable, at agad tumawag sa QC Helpline 122 para sa anumang emergency.
Sa proyektong ito, muling pinatunayan ng Quezon City na isa ito sa mga pinakamaagang kumikilos at pinakanakahandang lungsod pagdating sa disaster preparedness at kaligtasan ng mamamayan.