Site icon PULSE PH

QC Court, Naglabas ng Bench Warrant laban kay Journey Vocalist Arnel Pineda!

Naglabas ng bench warrant ang Quezon City Regional Trial Court laban sa international singer na si Arnel Pineda matapos hindi ito makadalo sa pagdinig kaugnay ng kasong isinampa ng kanyang asawa sa ilalim ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act.

Ayon sa RTC Branch 99 Judge Mary Ann Punzalan-Toribio, inilabas ang warrant noong Setyembre 12 dahil sa hindi pagdalo ni Arnel. Itinakda ang piyansa sa ₱72,000, ngunit wala pang impormasyon ang mga awtoridad tungkol sa kinaroroonan niya.

Sa reklamo, sinabi ng asawa ni Arnel na nakaranas siya ng verbal abuse, manipulasyon, at coercive behavior, dahilan ng kanyang pag-alis sa kanilang tahanan.

Nilinaw naman ng kampo ni Arnel na hindi ito warrant of arrest para sa isang krimen, kundi isang hakbang para mapilit siyang dumalo sa korte. Ayon sa kanyang abogado, naka-confine sa ospital si Arnel kaya hindi ito nakadalo sa nakaraang arraignment.

Dagdag pa ng kanilang legal team, ibasura na ng DOJ noong Setyembre 4 ang VAWC case matapos makita na walang sapat na basehan ang reklamo.

Matatandaang si Arnel ay unang nagsampa ng dalawang kasong adultery laban sa kanyang asawa. Giit ng kanyang kampo, nananatili siyang tahimik at iginagalang ang proseso ng korte, taliwas umano sa asawa na inilalabas ang isyu sa publiko.

Exit mobile version