Nalubog sa baha ang ilang bahagi ng Quezon City noong Sabado, Agosto 30, matapos bumuhos ang 141 millimeters na ulan — katumbas ng limang araw — sa loob lamang ng isang oras, ayon sa PAGASA at Project NOAH.
Ipinaliwanag ni Mahar Lagmay, executive director ng Project NOAH, na ang naitalang ulan ay mas matindi pa kaysa sa karaniwang “torrential rain” na 30-60 mm kada oras.
Ayon sa Quezon City LGU, umabot sa 121 mm ang ulan sa loob lang ng isang oras — mas mataas pa kaysa peak rainfall ng Typhoon Ondoy noong 2009 na nasa 90 mm/hr.
Dahil dito, 36 sa 142 barangay ng lungsod ang naapektuhan, kabilang ang mga lugar na bihira lang bahain. “Hindi kinaya ng drainage system ng lungsod ang napakaraming tubig-ulan sa napakaikling oras,” ayon sa LGU.