Gumawa ng ingay sa takilya ang pelikulang “Project Hail Mary” matapos itong kumita ng mahigit P29 milyon sa loob lamang ng unang limang araw nito sa mga sinehan sa Pilipinas. Dahil dito, itinuturing na itong pinakamalaking Hollywood opening weekend sa bansa para sa taong 2026.
Ang nasabing science-fiction movie, na pinagbibidahan ni Ryan Gosling, ay hango sa nobela ni Andy Weir na siya ring may-akda ng tanyag na “The Martian.” Sa direksyon nina Phil Lord at Christopher Miller, kuwento ito ng isang guro na naging astronaut na nagising sa isang sasakyang pangkalawakan na walang maalala, hanggang sa matuklasan niyang nasa kamay pala niya ang kaligtasan ng mundo at ng nanghihinang araw.
Bukod sa tagumpay dito sa Pilipinas, humataw din ang pelikula sa buong mundo kung saan kumita na ito ng kabuuang $140.9 milyon. Ito na ang itinuturing na pinakamalaking debut ng isang orihinal na Hollywood film na hindi bahagi ng isang “franchise” o serye mula noong ipalabas ang pelikulang “Oppenheimer.” Sa ganda ng feedback mula sa mga kritiko at manonood, inaasahang magpapatuloy pa ang pamamayagpag nito sa takilya.
