Ibinunyag ni Senador Raffy Tulfo ang umano’y labis na mahal na body cameras na binili ng Philippine Ports Authority (PPA) noong 2020, na umabot umano sa ₱879,000 bawat isa.
Sa pagdinig ng Department of Transportation (DOTr) budget nitong Oktubre 9, sinabi ni Tulfo na bumili ang PPA ng 191 body cams mula sa kumpanyang Boston Homes sa halagang ₱168 milyon. Ngunit nang puntahan ng kanyang team ang opisina ng supplier, nadiskubreng ordinaryong apartment lang ito at may kapital na ₱10 milyon lamang.
Ayon sa senador, “Skandaloso na masyado ito!” lalo na’t dati nang na-flag ng Commission on Audit (COA) ang nasabing kumpanya sa pag-deliver ng depektibong kagamitan sa Environmental Management Bureau noong 2020. Sa kabila nito, nabigyan pa rin ng PPA ang Boston Homes ng panibagong kontrata noong 2021 — mas mataas pa ang presyo, aabot sa higit ₱1 milyon bawat unit.
Depensa naman ni PPA General Manager Jay Santiago, kasama sa halaga ang integrated operating system na konektado sa CCTV network ng ahensya. Aniya, dumadaan naman daw sa masusing pagsusuri ang bawat bidding bago ito aprubahan.
Hindi kumbinsido si Tulfo at pinuna kung bakit hindi nakita ng post-bidding assessment ang mga “red flags” ng supplier. Hiniling pa niya na tanggalin sa puwesto ang mga sangkot sa evaluation.
Samantala, tiniyak ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez na personal niyang iimbestigahan ang naturang isyu.