Patuloy na bumubuti ang kalagayan ni Pope Francis habang nasa ikalawang linggo na siya sa ospital dahil sa pneumonia sa parehong baga, ayon sa Vatican nitong Huwebes.
Sa ikalawang sunod na araw, iniulat ng Vatican na may positibong pagbabago sa kondisyon ng 88-anyos na Santo Papa, ngunit nananatili siyang nasa maselang kalagayan sa Gemelli Hospital sa Roma.
Bagamat hindi pa tuluyang ligtas, patuloy siyang sumasailalim sa oxygen therapy at breathing exercises. Sa umaga, nag-focus siya sa respiratory therapy at naglaan ng oras sa panalangin sa kapilya ng ospital.
Patuloy namang nagtitipon ang mga debotong nananalangin para sa kanyang paggaling, kabilang ang mga peregrino mula Mexico na nag-alay ng bulaklak at panalangin sa labas ng ospital.
Ayon sa mga doktor, maaaring tumagal pa ang pagpapagaling ni Pope Francis at posibleng manatili siya sa ospital nang mas matagal kaysa inaasahan.