Patuloy na bumubuti ang kalagayan ni Pope Francis matapos ang kanyang gamutan para sa pneumonia, ayon sa Vatican nitong Linggo. Sa kabila ng kanyang panghihinang pisikal, nagpasalamat ang Santo Papa sa mga doktor at healthcare workers na tumutulong sa kanya.
Sa isang nakasulat na mensahe para sa kanyang Angelus prayer, pinuri niya ang mga taong nagsasakripisyo para sa kapakanan ng iba.
“Naranasan ko rin mismo ang malasakit at pagmamahal ng mga doktor at healthcare workers, na lubos kong pinasasalamatan,” pahayag ni Pope Francis. Idinagdag niya na mahalaga ang tinawag niyang “himala ng pagmamalasakit” na nagbibigay ng liwanag sa panahon ng pagdurusa.
Nasa Gemelli Hospital sa Rome si Pope Francis mula pa noong Pebrero 14, kung saan nakaranas siya ng ilang pag-atake sa paghinga. Bagamat wala na siyang lagnat, hinihintay pa rin ng kanyang mga doktor ang tuluyang pagbuti ng kanyang kalagayan bago magbigay ng tiyak na pahayag tungkol sa kanyang paggaling.
Patuloy na sumasailalim ang 88-anyos na Santo Papa sa pisyoterapiya at mga ehersisyo sa paghinga habang pinagsasabay ito sa pahinga, panalangin, at ilang gawain kapag kaya ng kanyang katawan.
Samantala, patuloy na nananalangin at nagpapahayag ng pag-aalala ang mga Katoliko sa buong mundo para sa kanyang agarang paggaling. Sa St. Peter’s Square, maraming tao ang nagpahayag ng pangungulila sa kanyang presensya.
“Sana ay bumalik na siya sa bintana ng Vatican upang maghatid ng kapayapaan at pag-asa sa lahat,” sabi ni Diana Desiderio, isang volunteer sa Italy.
Sa pagtatapos ng kanyang Angelus message, muling nanawagan si Pope Francis para sa kapayapaan sa mga bansang patuloy na dumaranas ng kaguluhan tulad ng Ukraine, Palestine, Israel, Lebanon, at iba pa.