Hiniling ni Senator Grace Poe noong Lunes ang isang imbestigasyon sa DPWH matapos ang malawakang pagbaha dulot ng Bagyong Carina. Sa pagsusumite ng Senate Resolution No. 1080, gusto ni Poe na tanungin ang mga opisyal ng DPWH kung bakit tila hindi nasusulit ang pondo para sa flood control kahit patuloy na tumataas ang budget sa nakalipas na limang taon.
“Ano ang nangyari sa Flood Management Program ng DPWH na dapat sana’y naging proteksyon laban sa matinding pinsalang dulot ng Bagyong Carina? Ang pagtaas ng budget sa nakaraang limang taon ay tila hindi umuukit sa tunay na problema,” sabi ni Poe, na namumuno sa Senate Committee on Finance.
Ayon kay Poe, mula 2020 hanggang 2024, tumaas ang budget ng DPWH mula P90 billion sa P244 billion, ngunit bumaba ang pag-gamit ng pondo sa flood control mula 68.26% noong 2021, 73% noong 2022, hanggang 58% noong 2023.
“Nakakalungkot na ang pagtaas ng budget ay hindi umaayon sa aktwal na paggamit. Dapat tanungin ang DPWH kung bakit nangyari ito,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Poe na mula 2022, halos P556 billion ang inilaan para sa flood-control, na kalahati ng pondo sa nakaraang dekada.
