Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang mga alegasyong nawawala ang P305 milyong halaga ng pera na nakumpiska sa dalawang POGO raid. Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, buo pa ang pera at ligtas na naka-imbak sa isang safekeeping room sa Camp Crame.
Ang P187.8 milyon ay nakuha mula sa Clark Sun Valley Hub Corp. sa Pampanga, habang P117.1 milyon naman ang nakuha sa Xinchuang Network Technology Inc. sa Las Piñas.
Paliwanag ni Fajardo, handa ang PNP na ipakita ang pera at sumunod sa anumang utos ng korte. Nilinaw din niya na ang mga ulat ng nawawalang pera mula sa POGO ay hindi totoo at misinterpreted.
Kasabay nito, nilinaw ng PNP na ang raid sa Century Peak Tower sa Ermita, Manila, kung saan walang nakumpiskang pera, ay legal at may kaukulang warrant.