Site icon PULSE PH

PNP, Nagpatupad ng ‘Dual Hazard Response’ sa Paligid ng Kanlaon at Taal Volcano!

Nagpatupad ng “dual hazard response” ang Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na nakapaligid sa Kanlaon Volcano sa Negros at Taal Volcano sa Batangas, bilang paghahanda sa posibleng pagputok ng mga bulkan.

Ayon kay Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakahanda na ang mga emergency at health response teams ng pulisya at naka-alerto na rin ang mga yunit sa mga apektadong rehiyon, alinsunod sa evacuation at disaster protocols ng mga lokal na pamahalaan.

Layunin ng inisyatibo na tiyaking agad makapagbigay ng tulong ang PNP — mula sa search and rescue operations, medical triage, hanggang psychological first aid — sakaling lumala ang sitwasyon.

Dapat handa ang ating kapulisan, hindi lang para tumulong sa publiko kundi para masustentuhan din ang sarili nilang operasyon sa gitna ng sakuna,” ani Nartatez.

Inatasan din niya ang mga lokal na yunit ng PNP na makipag-ugnayan sa LGUs para sa pamamahagi ng emergency go bags at face masks sa mga residente.

Nanawagan si Nartatez sa mga mamamayan sa paligid ng Kanlaon at Taal na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng awtoridad, lalo na kung may ipapatupad na preemptive evacuation.

Exit mobile version