Matapos bantayan ang dalawang araw na anti-corruption protest ng Iglesia Ni Cristo sa Maynila, nagsimula na ang Philippine National Police (PNP) sa paghahanda para sa mas malaking kilos-protesta: ang nationwide Trillion Peso March sa Nobyembre 30.
Ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., gagamitin nilang “blueprint” ang naging maayos na seguridad sa INC rally. Ito ay kasunod ng mga naunang protesta ng civil society groups at ng Simbahang Katolika kaugnay ng isyu sa umano’y katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.
Bagama’t karamihan sa mga protesta kamakailan ay mapayapa, kinumpirma ng PNP na may “violent elements” na sumingit noong Sept. 21 rally, at may intel reports din na posibleng may magtangkang manggulo sa mga susunod na pagkilos. Dahil dito, maglalagay ang pulisya ng rapid response teams at maramihang checkpoints upang maiwasan ang kaguluhan.
“Sa tulong ng organizers at ng publiko, kumpiyansa kaming mapapanatili ang kaligtasan habang ginagamit nila ang kanilang karapatang magpahayag,” ani Nartatez. Gayunpaman, binigyang-diin niya na handa ang pulisya na umaksyon sakaling magkaroon ng anumang uri ng karahasan.
Nagpaalala rin ang PNP sa mga motorista na magplano nang maaga dahil inaasahang magiging mabigat ang trapiko sa araw ng protesta.
Samantala, nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga nananawagan ng pagpapatalsik kay Pangulong Marcos ay maaaring managot, lalo na kung ito’y may elementong naghihikayat ng sedisyon.
Ito’y matapos ang United People’s Initiative rally sa EDSA People Power Monument kung saan may mga nag-udyok umano sa AFP na bawiin ang suporta sa Pangulo, dahilan para tanggihan ng Quezon City government ang aplikasyon ng grupo para sa pagpapatuloy ng kanilang rally.
Inaasahan ng Akbayan na aabot sa 500,000 katao ang lalahok sa Trillion Peso March sa EDSA sa Nobyembre 30, habang magsasagawa rin ng hiwalay na protesta ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot sa Rizal Park sa Maynila.
