Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) laban sa paggamit at pagbebenta ng 31 ipinagbabawal na paputok, kasabay ng paalala na may katapat itong kulong at multa sa ilalim ng batas.
Ayon kay Col. Rex Buyucan ng PNP Firearms and Explosives Office, kabilang sa mga bawal ang watusi, piccolo, lolo thunder, boga, pla-pla, goodbye Philippines, atomic bomb, Bin Laden, King Kong, at iba pa. Ipinagbabawal din ang sobrang bigat na paputok (lampas 0.2 gram), oversized na paputok, at yaong may mabilis masunog na mitsa na mas mababa sa tatlong segundo.
Ang sinumang lalabag ay maaaring makulong ng hanggang isang taon at pagmultahin ng ₱20,000 sa ilalim ng Republic Act 7183. Nilinaw din ng PNP na wala pa silang namo-monitor na bagong illegal firecrackers na may kaugnayan sa mga kontrobersiyang personalidad.
Samantala, inilunsad ng grupong BAN Toxics ang taunang “Iwas Paputok” campaign na dinaluhan ng mahigit 2,000 kalahok. Hinikayat nila ang mas mahigpit na pagbabantay sa online selling ng ilegal na paputok at ang pagpili ng mas ligtas at hindi nakalalasong alternatibo sa pagdiriwang.
Nanawagan din ang grupo sa DOH at DTI na palakasin ang information drive, lalo na para sa mga bata. Ayon sa DOH, tumaas ng 38% ang firework-related injuries—mula 610 kaso noong 2024 tungong 843 noong 2025—kaya’t mariing paalala ang umiwas sa paputok para sa mas ligtas na selebrasyon.
