Umani ng batikos online ang isang lalaki matapos magsuot ng Philippine National Police (PNP) uniform bilang Halloween costume, na itinuturing ng mga opisyal bilang insulto sa institusyon.
Kinilala ang lalaki bilang Daryll Isidro, na makikita sa isang viral na larawan na naka-sleeveless na PNP uniform sa isang Halloween party. Dahil dito, agad na kinondena ng PNP ang insidente at nagsagawa ng imbestigasyon.
Humingi ng paumanhin si Isidro sa pamamagitan ng isang pahayag sa Facebook (na kalauna’y binura), kung saan sinabi niyang wala siyang intensyong manlinlang o bastusin ang hanay ng pulisya. “Nais ko pong humingi ng taos-pusong paumanhin sa lahat ng pulis at sa institusyon. Hindi ko po sinasadyang makasakit, at inaako ko ang aking pagkakamali,” aniya.
Naglabas ng show-cause order si Napolcom Commissioner Rafael Calinisan, ngunit matapos ang paliwanag ni Isidro, napagpasyahang hindi na siya kakasuhan.
Samantala, binigyang-diin ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na bawal sa ilalim ng Article 179 ng Revised Penal Code ang paggamit ng opisyal na uniporme nang walang awtorisasyon.
“Our uniform symbolizes bravery and public trust,” ani Nartatez. “Ang paggamit nito bilang costume ay pambabastos sa sakripisyo ng mga tunay na pulis.”
Bagaman tinanggap ang paghingi ng tawad ni Isidro, nanawagan ang PNP sa publiko na igalang ang uniporme at ang kahulugang taglay nito.
