PULSE PH

Pinoy singer Matty Juniosa, Golden Buzzer sa Britain’s Got Talent

Muling nagningning ang talentong Pilipino sa buong mundo matapos makakuha ng Golden Buzzer ang singer na si Matty Juniosa sa sikat na reality show na Britain’s Got Talent. Sa kanyang audition, ipinamalas ng 27-anyos na Pinoy ang kanyang husay sa pagkanta ng Purple Rain ni Prince na nagpalingon at nagpatayo sa mga hurado at manonood.

Dahil sa kanyang emosyonal at makapigil-hiningang performance, hindi nag-atubili ang kilalang istriktong judge na si Simon Cowell na pindutin ang Golden Buzzer. Ayon kay Cowell, ito ang isa sa pinakamalakas na reaksyong natanggap nila mula sa madla sa buong season. Sa katunayan, sinabi pa ng music mogul sa kanyang social media na kung pwede lang ay dalawang Golden Buzzer ang ibinigay niya sa Pinoy singer.

Si Matty, na kasalukuyang nagtatrabaho bilang part-time waiter sa Glasgow, Scotland, ay hindi na bago sa kompetisyon dahil dati na siyang sumali sa Idol Philippines noong 2019. Sinabi niya na ang pagsali sa British talent show ay paraan niya upang patunayan sa sarili na hindi siya bigo sa larangan ng musika. Dahil sa kanyang pagkapanalo, direkta na siyang tutuloy sa live semi-finals ng paligsahan at hindi na kailangang dumaan sa iba pang audition rounds.

Exit mobile version