Hindi pa tapos ang laban para sa Philippine national curling team matapos ang makasaysayang gold medal win sa 2025 Asian Winter Games sa Harbin, China.
Mula sa matamis na tagumpay na iyon, ngayon naman ay Winter Olympics 2026 ang kanilang susunod na misyon. Magsisimula na ang serye ng qualifying tournaments ngayong taon, at buo ang determinasyon ng koponan na makuha ang tiket patungong pinakamalaking winter sports event sa mundo.
“Olympics ang tanging goal namin ngayon. Magtatrabaho kami nang husto para makamit ‘yun,” sabi ni Alan Frei, isang entrepreneur na naging atleta, sa kanyang media availability kahapon sa SM North EDSA.
Kasama nina Marc at Enrico Pfister, Christian Haller, at Curling Pilipinas president Benjo Delarmente, si Frei ay isa sa mga bumida sa 5-3 upset win kontra dating two-time champion South Korea, na nagbigay sa Pilipinas ng unang Asian Winter Games gold medal.
Hindi lang ‘yan—tinanggal din ng Pinoy curlers sa trono ang multiple-silver medalist Japan at reigning champion China sa kanilang Cinderella run patungo sa kasaysayan.