Humihingi na ng tulong ang Pilipinas sa mga “friendly countries” para matulungan sa pagpapalaya ng siyam na Pilipinong seafarers na hawak ngayon ng Huthi rebels sa Yemen.
Ayon kay Foreign Undersecretary Eduardo De Vega, kumpirmadong buhay pa ang mga Pinoy crew ng Eternity C, isang kargamento na sinalakay at pinalubog ng Iran-backed Huthis sa Red Sea.
“Ayaw naming tawaging hostage sila. Ang mahalaga, buhay sila,” ani De Vega.
Hindi direktang makikipag-usap ang Pilipinas sa Huthis, kaya dadaan ito sa mga kaalyadong bansa. Ipinapakita sa video ng Huthis ang pagsagip sa 11 tripulante—kabilang ang karamihan sa mga Pilipino—mula sa dagat, suot ang life jackets. Isa sa mga Pilipino ang nasugatan, pati na rin ang isang banyagang crew.
Ayon sa Human Rights Watch at Estados Unidos, labag sa batas ang pagkaka-detine ng mga crew, at itinuturing itong war crime.
Samantala, nauna nang nailigtas ang 8 Pinoy mula sa Eternity C at lahat ng 17 mula sa Magic Seas, na isa ring barkong sinalakay at pinalubog ng Huthis ngayong Hulyo bilang bahagi ng kanilang suporta sa Gaza.
Matatandaang hawak din ng Huthis ang karamihan sa Pinoy crew ng Galaxy Leader ng mahigit isang taon bago pinakawalan noong Enero.
Mahigit 30% ng seafarers sa mundo ay mga Pilipino, at umabot sa halos $7B ang remittances mula sa kanila noong 2023 — malaking bahagi ng ekonomiya ng bansa.
Patuloy ang panawagan para sa mabilis at ligtas na pagbabalik ng mga natitirang seafarers.
