Inanunsyo ng pamahalaan ng Pilipinas na plano nitong i-block ang AI chatbot na Grok “sa loob ng araw” dahil sa paglaganap ng AI-generated sexualized deepfakes, kabilang ang mga imahe ng totoong tao at bata.
Ayon kay Telecommunications Secretary Henry Rhoel Aguda, kailangang linisin ang internet habang dumarami ang mapanirang content na dulot ng mabilis na pag-usbong ng AI. Kinumpirma naman ni Renato Paraiso, acting executive director ng Cybercrime Center, na inaasahang ipatutupad ang pagba-ban sa buong bansa bago matapos ang araw at mahigpit itong imo-monitor ng mga awtoridad.
Hindi rin umano maaapektuhan ng desisyon ang anunsyo ng X na maghihigpit ito sa kakayahan ng Grok na mag-manipula ng mga larawan. Ayon sa pamahalaan, hindi sapat ang mga pangako at kailangang makita muna ang aktwal na aksyon.
Kasunod ang Pilipinas sa Indonesia at Malaysia, na nauna nang nagpatupad ng pagba-ban sa Grok bilang tugon sa lumalaking isyu ng AI deepfakes sa rehiyon.
