Mas mapapadali na ang pag-access ng emergency care sa bansa matapos ilunsad ng PhilHealth ang bagong Ambulance Service Package, na layong masaklaw ang gastos sa pagbiyahe at agarang pangunang lunas bago makarating sa ospital.
Nag-aalok ang PhilHealth ng tatlong uri ng serbisyo:
- Basic Life Support Ambulance – P4,100
- Advanced Life Support Ambulance – P4,600
- Physician-managed Advanced Life Support Ambulance – P6,100
May hiwalay ding coverage para sa fuel at maintenance, depende sa distansiya mula sa pinanggalingan ng ambulansya hanggang sa ospital:
- P250 – unang 5 km
- P500 – hanggang 10 km
- P750 – 15 km
- P1,000 – 20 km
- P1,250 – lampas 20 km
Ayon sa PhilHealth, ang bagong package ay ginawa upang tugunan ang emergency needs sa pre-hospital setting, partikular sa mga sitwasyong hindi sakop ng ibang benefit packages. Tinitiyak din ng mga serbisyong ito na ang ambulansya ay may kakayahang magsagawa ng life-saving interventions habang nasa biyahe.
Bahagi ang ambulance service ng PhilHealth Outpatient Emergency Care Benefit (OECB), na layong gawing mas mabilis at mas abot-kaya ang pagkuha ng tulong medikal sa oras ng pangangailangan.
