Nagbigay ng matinding laban ang national esports team ng Pilipinas, Sibol, sa China-ASEAN Esports Competition noong Setyembre, kung saan sumabak sila sa Honor of Kings at Mobile Legends Bang Bang (MLBB).
Ito ang unang pagkakataon na may Honor of Kings team ang Sibol, na kinabibilangan ng mga manlalaro mula sa top teams ng bansa tulad ng BOOM Esports at Execration. Samantala, sa MLBB, sumabak naman ang Sibol Women’s team sa open tournament, kung saan hinarap nila ang all-male, all-female, at mixed squads.
Malakas ang simula ng Honor of Kings team, tinalo ang Thailand at Brunei, ngunit natalo laban sa China, ang eventual champion. Sa semis, natalo sila sa Malaysia at bumagsak sa bronze medal match kontra Indonesia. Matapos ang matinding tatlong game na napuno ng teknikal na aberya, nakamit ng Sibol ang kanilang unang medalya sa Honor of Kings.
“Malinaw ang magandang kinabukasan ng ating Honor of Kings team,” ani PESO executive director Marlon Marcelo. “Tama ang tinatahak nating direksyon.”
Sa kabilang banda, hindi pinalad ang Women’s MLBB team na agad na na-eliminate matapos matalo sa Cambodia at China, parehong all-male teams. Ayon kay Marcelo, mahalaga ang natutunan ng koponan sa open-category tournament na ito.
Sa nalalabing bahagi ng taon, lalahok pa ang Sibol sa Global Esports Games at World Esports Championship.